Entry: Di Kanais-nais at Nakapandidiri Monday, July 09, 2007



Taliwas sa aking nakagawian, isusulat ko ang blog na ito sa wikang Filipino.

Kanina, nagsusulat ako ng isang tala sa aking blog tungkol sa pelikulang Transformer nang hanapin sa amin ng isa kong kapwa manunulat ang isyu ng Philippine Daily Inquirer (PDI) ngayon. Ibinalita niya na may nasusulat na naman tungkol sa aming kumpanya sa pahayagan.

Nakita naman niya ang kanyang hinahanap. Ito ay isang buong pahina (pahina A8) ng batikos sa mga nalathalang pampublikong aklat sa elementarya. Bagamat, gusto kong malaman ang nilalaman nito, hindi ako agad nakiusyoso dahil marami pa ang nagkakaalibumbungan sa pahayagan. Noong tapos na nila itong pagkaguluhan, saka ko ito kinuha at binuklat.

Hindi ko na nais magpaliwanag tungkol sa isyu na maraming mali sa mga aklat na inilimbag ng aming kumpanya. Ang nais kong pagtuunan ng pansin ay ang isa sa kanyang pahayag na sa aking palagay ay hindi tama. Inilarawan niya ang salitang "titi" na "abominable" at "objectionable."

"Were the writers of this book even thinking when they decided to include the abominable words TITI..."
"...when the mere presence of two objectionable words --- TITI..."

Kailan pa naging di kanais-nais ang salitang "titi?" Kung ang salitang ito ay hindi angkop, ano ang isinasangguni niyang pamalit dito? Hindi nga ba't iyon naman talaga ang tawag sa ari ng lalaki? Bakit nga ba kapag ang mga salitang tumutukoy sa mga sex o sex organ ay isinasalin sa wikang Filipino, ito ay nabibigyan ng konotasyon na bastos o nakapandidiri?

Marahil, hindi nga nararapat na isama ang mga salitang iyon sa aklat. Ngunit ang tukuyin ang salitang iyon na objectionable at abominable ay hindi rin tama. Gaya nga ng sabi ni Rizal, ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa malansang isda. (Tama ba ang pagkakasaad ko? Pasensya na kung mali. Pakitama na lang. Hehe!) Sa akin ring palagay, ang pagkakasulat ng salitang iyon ay walang malisya at hindi dapat bigyan ng malisya.

Kung gusto ninyong mabasa ang buong anunsyo na TITI —ARI NG LALAKI ni G. Go sa PDI, pindutin ang link na ito.

   0 comments

Leave a Comment:

Name


Homepage (optional)


Comments